Ang Paalala Ni Christ: Don’t Be Deceived
Ang pinakamalaking banta sa mga Huling Araw ay panlilinlang. Haharapin natin ang mga huwad na kababalaghan at mga mapanlinlang na impostor, kasabay ng tumitinding pananakot at paghihirap. Ngayong Linggo, hinihikayat tayo ni Reverend Mike Cariño na manatiling matatag at nakaugat kay Kristo habang patuloy na lumalala ang kalagayan ng mundo sa ating paligid. Sa Kanya lamang natin matatagpuan ang tunay na pag-asa at kaligtasan.
The greatest threat we face in the End Times is deception—being misled by false wonders and imposters, and dealing with intimidation and intensified tribulation. This Sunday, Reverend Mike Cariño encourages us to stay rooted in Christ as the world around us deteriorates. Our hope and salvation are found solely in Him.
Basahin sa Bibliya
Mark 13:1-23
Life Group Discussion Guide
1. Magdasal bilang panimula.
2. Engage with one another (15-30 mins)
- Paano mo karaniwang pinagpapasyahan kung ang isang bagay ay mapagkakatiwalaan (gaya ng balita, payo, atbp.)? Ano ang mga sukatan mo para masabing totoo talaga ito?
3. Engage the mind (15-20 mins)
- Basahin ang talata. Ano ang mga partikular na babala ni Jesus tungkol sa mga impostor at mga kaguluhan sa mundo? Bakit Nya binibigyang-diin na hindi pa ito ang katapusan?
- Ano ang tinuturo ni Jesus tungkol sa darating na paghihirap? Ano ang kabuluhan nito sa atin ngayon?
4. Engage the heart (15-20 mins)
- Sa anong mga bagay ka kadalasang naaakit at namamangha? Sa anong mga paraan nangungusap sa iyo ang talata ngayon?
- Ano ang nararamdaman mo sa tuwing nahaharap ka sa mga naninindak o mga kaguluhan sa mundo? Anong mga pangako ng Diyos ang maaari mong panghawakan upang maging ayon sa Diyos ang iyong pagtugon?
5. Engage the hands (15-20 mins)
- Paano mo masasanay ang iyong sarili na maging mapanuri at maging alerto base sa turo ng Bible?
- Paano mo ihahanda ang iyong sarili na tumugon nang may faith imbes na takot at panic kapag may dumating na hindi pagsang-ayon sa iyong faith mula sa iyong komunidad (sa pamilya, kaibigan, trabaho/paaralan, o sa lipunan)
6. Maglaan ng oras para sa pagdadasal (20-30 mins)
- Purihin ang Panginoon na Syang naghahari sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap. Magpasalamat dahil walang nangyayari nang hindi Nya alam o pahintulutan—maging ito man ay paghihirap, panloloko, o mga kaguluhan sa mundo. Magsaya dahil nagbigay ng babala si Jesus hindi para takutin ka, kundi para ihanda at palakasin ang iyong loob. Magpasalamat na ang Holy Spirit ay laging nasa iyo, binibigyan ka ng lakas na manindigan, magsabi ng katotohanan, at manatiling alerto habang hinihintay ang pagbabalik ni Kristo.
- Humingi ng kapatawaran sa mga oras na mas namangha ka sa panlabas na anyo kaysa sa tunay na pagbabago ng puso. Ikumpisal din ang mga sitwasyon na nagpadala at naniwala ka sa mga maling turo. I-confess ang mga sandaling hinayaan mong mangibabaw ang takot na i-reject ka ng mga tao o ang pagkatakot na dumaan sa paghihirap nang dahil sa iyong pananampalataya kay Jesus. Ipanalangin na patalasin ng Diyos ang iyong kakayahan na maging mapanuri, at turuan kang mamuhay nang alerto at may katapatan sa Kanyang presensya habang hinihintay ang Kanyang pagbabalik.
Nais mo bang masubukan na sumali sa isang Life Group session? Sagutin ang online form na ito upang makapagsimula.
Tithes at Offering
Kung ikaw ay miyembro ng CBCP at nais mong magbigay pabalik sa Panginoon, maaring magdeposito sa mga bank account ng simbahan gamit ang online fund transfer. Alamin kung paano.
